SA kabila ng inaasahang pagbuti ng panahon, mananatiling walang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Quezon City, upang bigyang-daan ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang kalatas ng lokal na pamahalaan, nilagdaan na ni Mayor Joy Belmonte ang Executive Order No. 10 s. 2025 kung saan nakasaad ang suspensyon ng klase sa lahat ng paaralan sa nabanggit na lungsod.
Nakasaad din sa kautusan ng alkalde ang panawagan sa mga residente ng Quezon City na manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan at makinig na lamang sa SONA ng pangulo ng bansa.
“Layon nitong hikayatin ang lahat na makinig sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at maiwasang maipit ang publiko sa trapiko.”
Inilatag na rin ng pamahalaang lungsod ang mga alternatibong ruta na pwedeng daanan ng mga motorista bunsod ng inaasahang pagbigat sa daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue at sa paligid ng Batasang Pambansa Complex. (LILY REYES)
