HINDI na umabot pang buhay sa pagamutan ang limang indibidwal matapos sagipin sa loob ng nasusunog na bahay sa lungsod ng Navotas, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa ulat ng BFP, kabilang sa mga nasawi ang apat na menor de edad na kinilala sa pangalang Lorraine Constantino, Daniela Jocson, Ruth Tongco, at Kyla Jocson. Patay rin ang isa pang biktimang si Sara Constantino.
Batay sa imbestigasyon ng BFP, Sabado ng umaga nang makatanggap ng tawag sa telepono ang BFP hinggil sa insidente ng sunog sa Barangay San Roque ng nasabing lungsod.
Agad naman rumesponde ang lupon ng mga pamatay sunog na walang takot na sinuong ang panganib para sagipin ang mga naiwan sa loob ng nasusunog na istruktura. Gayunpaman, idineklarang dead on arrival ang mga biktima.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang sanhi ng sunog.
