
HINDI angkop na manatili sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) si former Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr., giit ni Congresswoman-Elect Janice Degamo.
Para kay Degamo, mas makabubuti kung agad na ililipat ng NBI si Teves sa Manila City Jail, alinsunod sa utos ng korte.
Pangamba ng biyuda ng pinaslang na gobernador, may kakayahan at angking talento sa panunuhol ng limpak-limpak na pera ang sinibak na kongresistang nahahanap sa mahabang talaan ng kaso ng pagpatay sa Negros Oriental.
“My fear is magka-VIP treatment yan dahil manunuhol talaga yan. Yan ang expertise nila,” wika ni Degamo sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel.
Paglilinaw ng biyuda ni Degamo, hindi niya hangad siraan ang NBI, subalit minsan na aniyang napabalita ang kalakaran sa NBI detention facility kung saan ikinulong ang drug trafficker na si Jad Dera.
Taong 2023 nang mabisto ang paglabas-masok ni Dera sa NBI detention facility, matapos dakpin sa isang police operation. Nakuha sa pag-iingat ni Dera ang mga armas, pera, at mobile phone.
“Ayoko manira ng ahensya pero… can you remember the incident involving Jad Dera who was out of the NBI detention facility na pinayagan mag-dinner sa labas? Something like that is something I fear to happen again,” ani Degamo.
“Kaya sana huwag naman patagalin ang paglipat sa kanya.”
Hirit ni Degamo sa NBI, sundin ang utos ng Manila City regional trial na naglabas kamakailan ng commitment order na hudyat para sa agarang paglipat ni Teves sa Manila City Jail.