WALANG nanalo dahil wala naman totoong laban. Bakit nga ba inaangkin pa ng Makati ang Fort Bonifacio, eh noon pa lang ay malinaw na kung sino ang tunay na may-ari.
Ngayong may pinal na desisyon na ang Court of Appeals sa isang ruling na isinulat noong May 28, tuluyan nang ibinasura ng Third Division ang petisyon ng Makati na angkinin ang Fort Bonifacio.
Sa madaling salita, sarado na ang aklat ng dekadang sigalot sa lupaing sentro ng ekonomiya sa Metro Manila.
Pero bago pa dumating ang hatol ng mga korte, matagal nang nakikita ng taumbayan kung sino talaga ang may malasakit sa lugar.
Habang ang isang mayora, na for sure pighati ang napagdaanan nitong nakaraang eleksyon, ay abala sa pagkontra at legal na laban, ang Taguig, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Lani Cayetano, ay abala sa nakaatang na mandato — serbisyo sa tao.
Pero hinaing ng iilan, kung malinaw naman pala mula umpisa, bakit umabot pa ng mahigit isang dekada ang bangayan? Dahil ba sa pride, sa politika? Isipin niyo na lang ang mga nasayang na panahon na ginugol ng Makati imbes na mag focus na lang sa kanilang lungsod.
Ngayong tapos na ang legal na puksaan, panahon nang isantabi ang sigalot at harapin ang mas mahalagang laban. Ang laban para sa mas maayos na serbisyo, mas progresibong komunidad, at mas tahimik na kapitbahay.
At para sa iba diyan na hanggang ngayon ay hindi pa rin makamove on… baka mas applicable na ito sa laban sa pagiging relevant.
