KALABOSO ang isang Bureau of Corrections (BuCor) personnel sa ikinasang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Imus, Cavite kaugnay ang pagdukot at pagpatay sa isang 70-anyos na negosyanteng isinako at itinapon sa bangin sa lalawigan ng Laguna.
Kinilala ng NBI ang BuCor personnel na si Jonathan Pio na dinakip kasama ng isang Raymond David Reyes na kakalaya lang sa Bilibid noong Abril matapos bumuno ng 10 taon kasong robbery.
Narekober din ng mga operatiba ang sasakyang pinaniniwalaang ginamit sa pagdukot sa krimen, mga baril at bala.
Sa record ng NBI, kabilang ang BuCor peronnel at bagaong layang si Reyes sa mga di umano’y dumukot at pumatay sa hindi pinangalanang babaeng negosyante na natagpuang wala ng buhay sa isang malalim na bahagi ng bangin sa Barangay Sta. Cruz, sa bayan ng Bai lalawigan ng Laguna.
Kapwa naman itinanggi ng mga suspek ang krimen.
Bukod sa mga baril at bala, nakumpiska rin sa mga suspek ang ilang sachet ng hinihinalang iligal na droga at mga ID na may iba’t ibang pangalan.
Bago narekober ang bangkay ay sinuyod ng NBI-Homicide Section and Anti Organized Crime Division ang maulan, madamo at madilim na dumpsite para galugarin ang pinagtapunan sa biktima batay sa salaysay ng isa pang suspek na una nang nadakma ng mga operatiba.
Sa autopsia, lumalabas pagsakal ang sanhi ng pagkamatay ng biktimang dinukot sa Quezon City noong Hunyo 10.
Lumalabas din sa imbestigasyon na pinatay ang babaeng negosyante makaraang madismaya sa P450,000 na ransom na pinadala ng mga kaanak na hiningan ng P5 milyon para palayain ang biktima.
