KALABOSO ang kinahantungan ng dalawang nanay na di umano’y nagbebenta ng huwad na larawan ng sariling anak.
Sa kalatas ng National Bureau of Investigation Violence Against Women and Children Division (NBI-VAWCD), inaresto sa lungsod ng Caloocan ang hindi pinangalanang mga suspek na nag-aalok sa social media ng mga hubad na larawan ng sariling anak kapalit ng pera.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, unang nabisto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang operasyon ng dalawang suspek na karaniwang nakikipagkaibigan sa mga dayuhang lalaki na kalaunan ay binebentahan ng hubad na larawan ng mga bata.
Lingid naman sa kaalaman ng mga suspek na timbrado na pala sa FB ang kanilang modus.
Sa pakikipag-ugnayan ng FBI, agad na ikinasa ng NBI ang surveillance sa mga naturang indibidwal. Kaunan aniya, kinontak ng mga undercover agent (na nagpanggap na interesado sa hubad na larawan ng mga bata) ang mga hindi pinangalanang ina.
Matapos di umano magkasundo sa presyo, ikinasa ang entrapment operation kung saan inaresto ang dalawang ina sa bisa ng warrant of arrest mula sa husgado.
Nahaharap sa patung-patong na kaso kabilang ang qualified trafficking at violence against women and children ang mga suspek, habang dinala naman sa isang bahay-kalinga ang anim na menor de edad na biktima.
