HINDI pinalampas ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson ang pagkatig ng tinawag niyang Tsinador na sina Rodante Marcoleta at Robin Padilla sa panawagan isuko na lang sa China ang Kalayaan Island Group sa lalawigan ng Palawan.
Katwiran ni Marcoleta, ‘kakampi’ naman aniya ng Pilipinas ang Beijing.
Kahit walang legal na basehan nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea, nagpahayag ng pagnanais sina Marcoleta at Padilla na huwag nang ipilit ang karapatan sa mga ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng 2016 Arbitral Ruling na nagbasura sa pag-angkin ng China.
Ayon kay Lacson, walang pinagkaiba ang anumang mungkahing isuko ang Kalayaan Island Group (KIG) sa pagsuko ng Luzon o maging ng buong bansa.
Sa ilalim aniya ng international law, ang unang pagtuklas at pananakop sa lupang hindi pag-aari ninuman — tulad sa kaso ng KIG — ay kinikilalang paraan ng pagkuha ng soberanong pagmamay-ari.
“’Giving up’ the Kalayaan Island Group (KIG) is no different from giving up Luzon Island or the entire country. Under international law, first discovery and possession of land that belongs to no one under the legal principle of ‘res nullius’ or ‘terra nullius’ is a recognized mode of sovereign ownership. Even non-lawyers were taught this in school,” ani Lacson sa kanyang post sa X.
Paliwanag ni Lacson, ang abogado at adventurer na si Tomas Cloma ang nakatuklas sa Spratly Islands na sinakop sa bisa ng prinsipyo ng “res nullius.”
Sa ilalim ng naturang doktrina, ang sinumang nakatuklas at nakapanakop sa lupain ay kinikilalang may-ari. Kalaunan, isinuko ni Cloma ang pagmamay-ari ng nasabing mga lupain sa pamahalaan ng Pilipinas.
Sa pagdinig ng Commission on Appointments noong nakaraang Miyerkules, binanggit ni Lacson ang matagal nang umiiral ang doktrina ng “res nullius” na batayan sa sa karapatang iginigiit ng Pilipinas sa KIG.
Sa mungkahi ni Marcoleta at Padilla na isuko ang Kalayaan Group of Islands dahil umano ang mga ito ay hindi na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas, agad na sumagot si Lacson — “Yan ang hindi ko mapalampas.”
Sa datos na ipinrisinta ni Lacson, ang Kalayaan ay isang munisipalidad ng Palawan na tinitirhan ng humigit-kumulang 300 pamilyang Pilipino.
“Nang narinig ko sabi ni Sen. Marcoleta na ipamigay na lang natin, hindi ako makapigil doon kailangan liwanagin natin kasi sa atin yan at may basehan kung bakit atin yan. Sabi niya sa labas ng EEZ. Di ko matanggap yan kasi nandoon na nga may Pilipino sa Pagasa Island,” ani Lacson. (ESTONG REYES)
