MATAPOS hatulan ng husgado kaugnay ng kasong illegal detention for ransom na inihain ng aktor na si Vhong Navarro, inilipat na ang mga sentensyado sa piitan sa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Corrections (BuCor).
Tanggal ang angas ng negosyanteng si Cedric Lee kasama ang isang Simeon Raz na kapwa dinala na sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa para bunuin ang hatol na reclusion perpetua.
Samantala, biyaheng Women Correctional Facility naman sa Mandaluyong si Deniece Cornejo.
Gayunpaman, nananatili sa laya ang isa pang akusado na kinilala sa pangalang Ferdinand Guerrero.
Bahagyang naantala ang byahe ni Lee bunsod ng di umano’y pagtaas ng blood pressure. Pasado alas 9:00 na ng gabi ng kahapon nang makarating sa Muntinlupa ang National Bureau of Investigation (NBI) na naghatid sa sentensyadong negosyante sa NBP facility na magsisilbing panuluyan sa susunod na 40 taon.
Dakong alas 10:00 ng gabi naman nang i-admit si Lee sa Reception and Diagnostic Center (RDC) si Lee na isasailalim sa classification procedure bago dalhin sa medium security facility ng BuCor.
