BAGO pa man matapos ang buwan ng Abril, posibleng ipatupad na ng Department of Transportation (DOTr) ang dagdag-pasaheng hirit para sa patuloy na operasyon ng Metro Rail Transit – Line 3 (MRT-3).
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjet Aquino na tumatayong tagapagsalita ng nasabing ahensya, masusing pinag-aaralan ng departamento ang petisyon P2.29 increase sa boarding fee ng MRT-3 – bukod pa sa 21 sentimos na dagdag kada kilometro.
“After nun, magkakaroon ng public hearing. After mga one month kailangan naming mag-publish ulit nung approved fares, kung aprubahan ito, for three weeks. So ang expectation namin is baka mga end of April ito, middle of May,” pahayag ni Aquino kasabay ng paglulunsad ng ng love train ng MRT-3 kamakailan.
Sa sandaling pagtibayin ang dagdag pasahe, lalabas na magiging P16 ang minimum fare sa MRT-3 mula sa kasalukuyang P13.
Papalo naman sa P34 ang pamasahe para sa tinatawag na end-to-end trip (North Avenue Station sa Quezon City hanggang Taft Avenue Station sa Pasay, vise versa ) mula sa umiiral na P28.
Paliwanag ng opisyal, gagamitin ang pondong nalikom mula sa dagdag-pasahe para tiyakin ang maayos na operasyon at maintenance ng mga tren.
