
PERSONAL na dumulog sa himpilan ng pulisya ang mga magulang ng isang dalawang buwang gulang na sanggol na pumanaw matapos manong sumailalim sa Magnetic Resonance Imaging (MRI) procedure sa loob ng isang pampublikong ospital sa Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police Director Brig. Gen. Redrico Maranan ang nasawing sanggol na si Callie Aavya Radin Bonifacio.
Ayon kay Jea Mae Laroya Radin, ina ng sanggol, at nakatira sa Sta. Quiteria sa Caloocan City, Enero 18 nang dalhin nilang mag-asawa ang sanggol sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) para sumailalim sa MRI procedure.
Pag-amin ni Gng. Radin, pinapirma siya ng waiver ng isang nagpakilalang Dr. Ventulan bago isalang sa MRI si Baby Callie sa nasabing pagamutan. Gayunman, nawalan ng malay hanggang sa mangitim ang kanyang sanggol matapos turukan ng anesthesia.
Agad naman sumaklolo ang mga pediatric doctors ng QMMC subalit binawian ng buhay kinabukasan.
Nakatakda namang isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng sanggol upang mabatid ang tunay na sanhi ng pagpanaw.