Ni EDWIN MORENO
MATAPOS ang paghahain ng kasong krimiinal sa piskalya, tuluyan nang sinibak sa serbisyo ang apat na pulis na nabistong nagnakaw sa isang negosyante sa Zamboanga City buwan ng Nobyembre ng nakalipas na taon.
Batay sa ulat na isinumite ni Police Regional Office – 9 Director Brig. Gen. Bowen Joey Masauding, tinanggal na sa talaan ng mga pulis sa nasabing rehiyon sina Lt. Ariel Jolatoria, Staff Master Sgt. Al-Najir Ynawat, Staff Sgt. Edcel Nicolas, at Patrolman Ryan Apostol na aniya’y pumasok at nagnakaw sa bahay ng negosyanteng si Al-Ghabid Umabong Abdul sa Brgy. Tetuan, Zamboanga City noong Nobyembre 14.
Sa imbestigasyon, abot sa 2.1 milyon ang kabuuang halaga ng salapi, alahas at mobile gadgets na natangay ng mga sinibak na pulis mula kay Umabong.
“The Police Regional Office 9 (PRO 9) upholds its commitment to the highest standards of integrity, morality, and uprightness”, pahayag ni Masauding kasabay ng giit di palalampasin ang anumang gawaing kriminal at iba pang illegal na aktibidades na kinasasangkutan ng kanilang mga tauhan.
Lumilitaw sa blotter na pineke din diumano ng mga suspek ang warrant of arrest laban sa ama ni Abdul kung saan nagpakilala silang mga miyembro ng Regional Special Operations Group (RSOG).
Samantala, nadiskubre rin na nang mangyari ang krimen, si Jolatoria ay nakatalaga sa Regional Headquarters Support Unit; si Apostol ay kasapi ng Zamboanga City Mobile Force Company, si Ynawat ay miyembro ng City Mobile Patrol Unit habang si Nicolas ay nakatalagang duty officer ng Police Station 7 ng Zamboanga City Police.
