SIMULA sa Lunes, Marso 23, bibigyan ng 50 percent discount sa pamasahe ang mga pasahero ng Metro Rail Transit-3 at Light Rail Transit-2, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), target ng pamahalaan pagaanin ang araw-araw na biyahe ng mga manggagawa, estudyante at maging mga ordinaryong Pilipinong pilit nagsusumikap sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga petrolyo at mga pangunahing bilihin sa merkado.
“Pagagaanin natin ang araw-araw na biyahe. Sa MRT at LRT ay magbibigay tayo ng diskwento po tayo sa pamasahe. Gagawin natin ang lahat para mapanatiling maayos at tuloy-tuloy ang byahe ng bawat Pilipino,” wika ng Pangulo.
Para naman kay DOTr Secretary Giovanni Lopez, mas makakatipid ang publiko kung sasakay ng tren na may diskwento sa pamasahe sa halip na gumamit ng sariling sasakyan na nangangailangan ng mas mahal na gasolina.
Tiniyak din ng Kalihim na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino sa gitna ng bakbakan sa Middle East.
Ayon sa DOTr, mananatili ang 50% discount para sa mga may white beep card tulad ng senior citizens, persons with disabilities (PWD), at mga estudyante.
Para sa mga regular na pasahero, maaari ring gamitin ang blue beep cards upang awtomatikong makuha ang 50% discount. Ang mga walang beep card ay maaari namang bumili ng single journey tickets na may parehong diskwento.
Samantala, nakikipag-ugnayan pa ang DOTr sa pamunuan ng LRT-1 kaugnay ng posibleng pagpapatupad ng kahalintulad na inisyatiba sa rutang bumabagtas sa kahabaan ng Taft Avenue at Avenida Rizal mula Baclaran hanggang Caloocan.
