HIGIT na epektibo ang pagtugon ng gobyerno sa panahon ng sakuna kung gagamit ng akmang teknolohiya.
Ito ang giit ni Manila Mayor Isko Moreno matapos ibida ang paggamit ng drone technology na makakatulong umano sa mas mabilis at mas epektibong “decision-making” sa panahon ng kalamidad, delubyo, aksidente, at iba pa.
Sa isang panayam, sinabi ng alkalde na nagbibigay ang drone ng “live visual monitoring” sa isang lugar upang masuri ang sitwasyon at galaw sa nasasakupan.
Kasama sa kakayahan ng drone ang infrared o thermal imaging na maaaring makatukoy kung may taong nasa loob ng isang gumuhong gusali o collapsed area.
Bukod sa monitoring, mayroon din aniyang audio capability ang drone na pwedeng gamitin sa pagbibigay ng abiso, direksiyon o paggabay ora mismo sa mga tao.
Inihalintulad ang naturang drone sa isang lumilipad na CCTV na may kakayahang magmasid at makipag-ugnayan habang nasa himpapawid.
Garantiya ni Moreno, gagamitin ang naturang teknolohiya sa rescue operations para sa mas mabilis na responde at mas mailaan nang tama ang limitadong yaman ng lungsod sa mas malaking sakuna. (JULIET PACOT)
