MISMONG anak ang nagpahuli at nagpakulong sa sariling inang di umano’y ginagamit ang bunsong kapatid sa online pornography.
Sa kalatas ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), arestado sa kinasang entrapment operation ang 45-anyos na nanay. Nasagip naman ang menor de edad na babaeng anak siyam na taon na di umano pinagsasayaw nang walang saplot sa paid online live show.
“Na-engage nga namin itong suspek, nagpanggap kaming foreigner. Ang mga parokyano niya mga foreigner din eh… Hiningan kami ng paunang bayad, initial payment of P1,000 kapalit ng pictures ng minor na yun,” wika ni Capt. Roy Santiago ng PNP-ACG.
Sampung libo di umano ang sinisingil ng suspek kapalit ng mga video ng biktima.
Inaresto ang suspek sa isang sa Malabon kung saan di umano pinapagawa ng kahalayan ang sariling anak.
“Ini-induce niya ang victim na mag-perform ng illicit activities, like mag-modelling nang naka-nude. Itong bata, pinangakuan nuong una, magmo-modelling lang… Papakita lang sa mga foreigner at parokyano na naka-swimsuit. Pero kalaunan, pinapaghubad na siya,” dugtong ni Roy.
“Ito’y inamin naman niya. Ginawa niya ang isang bagay na yun at pinagsisisihan na niya. Gusto raw niyang makatapos sa pag-aaral ang anak niya,” aniya pa.
Kasong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation Materials Act ang nakatakdang isampa laban sa suspek.
