
HINDI bababa sa 20 Chinese nationals ang timbog sa operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kontra illegal POGO sa Paranaque City matapos inguso ng misis ng ikinulong na empleyado.
Ayon sa NBI, sangkot sa love scam ang sinalakay na kumpanya. Nahaharap naman sa patong-patong na kaso, kabilang ang paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act at Cybercrime Prevention Law, ang 20 Chinese nationals.
Kabilang sa mga inaresto ang amo ng kidnap victim — isang Liu Zhi Tao alyas Ren Jia na sinampahan din ng kasong Serious Illegal Detention.
Sa kalatas ng NBI, nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng asawa ng kidnap victim na nagtatrabaho bilang Customer Service Representative (CSR) para sa isang POGO business na nagkukubli umano sa pangalang LWE.
Ibinisto rin ng impormante ang iligal na operasyon ng LWE sa Aseana 3, West Tower, 8912 Avenue, Parañaque City.