
HINDI na halos makilala ang labi ng walong indibidwal — kabilang ang apat na menor de edad, na nakulong sa loob ng natutupok na gusali sa Barangay San Isidro sa Galas, Quezon City.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), kabilang sa kumpirmadong nasawi ang dalawang batang lalaki na kapwa 2-taong gulang, at dalawang teenager. Kumpirmadong patay rin ang apat na iba pa.
Sugatan din sa nasabing insidente ang 36-anyos na si Jophel Samosa.
Batay sa paunang imbestigasyon ng BFP, dakong alas 2:00 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa tatlong-palapag na residential building sa kahabaan ng Kalte Agosto.
Kwento ng mga saksi, tinangka pa umano ng mga biktima lumabas sa gusali gamit ang fire exit subalit hindi na nagawang makaligtas. Ang dahilan – nakakandado umano ang bintana.
Hindi naman bababa sa 20 fire trucks ang rumesponde sa sunog na ganap na naapula dakong alas 3:40 ng madaling araw. Dito na tumambad umano ang halos sunog na bangkay ng mga biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP. (LILY REYES)