
HUMUPA na ang kontrobersiya sa pagitan ng Television and Production Exponents Inc (TAPE) at ng mga batikang television hosts na sina Tito Vic and Joey — pero para sa GMA Network Inc., hindi pwedeng palampasin ang umano’y panunuba ng mag-aamang Jalosjos na nasa likod ng nabanggit na kumpanya.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng GMA Network Inc. ang paghahain ng kasong estafa sa Quezon City Prosecutors Office laban sa mga opisyal ng TAPE Inc. dahil sa paglustay umano ng nasa P37 milyong pondo ng television station.
Kabilang sa mga inasunto sina Romeo Jalosjos, Jr. (dating President and CEO ng TAPE), Romeo Jalosjos, Sr. (Chairman of the Board), Seth Frederick “Bullet” Jalosjos (Treasurer), Malou Choa-Fagar (dating COO at kasalukuyang President and CEO), Michaela Magtoto (dating Senior Vice President for Finance), at Zenaida Buenavista (Finance Consultant).
“The complaint stems from respondents’ failure to remit advertising revenues collected from clients, which had been contractually assigned to GMA Network under a 2023 Assignment Agreement,” saad sa reklamo ng GMA Network Inc.
“Despite multiple formal demands, the funds were not transferred to GMA because they were instead used for TAPE’s operational expenses, in violation of the trust arrangement outlined in the agreement.”