Ni LILY REYES
SA nakalipas na linggo, pinatunayan ng Quezon City Police District (QCPD) na walang puwang ang palusot pagdating sa pagganap ng sinumpaang trabaho.
Bilang patunay, ibinida ng QCPD ang patuloy na pagsadsad sa bilang ng kriminalidad sa nasasakupang lungsod..
Batay sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO), bumaba ng 54.05% ang walong tinaguriang “focus crimes” mula Pebrero 26 hanggang Marso 3, 2024.
Kabilang sa 8 Focus Crimes ang theft, rape, physical injury, murder, carnapping ng motorsiklo, carnapping ng motor vehicle, robbery, at homicide.
Ayon sa QCPD, walang anumang naitalang krimen sa limang istasyon ng pulis sa lungsod kabilang ang Novaliches Police Station 4, Batasan Police Station 6, Project 4 Police Station 8, Anonas Police Station 9, at Payatas Bagong Silangan Police Station 13 sa nakalipas na linggo.
Aabot din sa 100% ang filing rate sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Dagdag pa ng QCPD, umabot sa 100% ang crime clearance efficiency (CCE) sa lungsod habang 88.24% naman ang crime solution efficiency (CSE).
Sinabi naman ni QCPD Chief Brig. Gen. Redrico Maranan, ang mababang crime rate sa lungsod ay bunsod ng dedikasyon ng mga pulis QC na mapanatili ang kaligtasan at kapayapaan sa bawat komunidad.
Nakatulong din rito ang pinaigting na kampanya kontra kriminalidad at pati na ang mga community engagement initiatives na ipinatutupad ng QCPD.
