Ni LILY REYES
UMAPELA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator at tsuper ng mga traditional jeeps na sumailalim sa PUV consolidation, kasabay ng pagtitiyak na wala ng extension na ibibigay ang gobyerno.
Sa isang pulong-balitaan sa Quezon City, nagpaalala si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na hanggang Abril 30 lang ang deadline sa consolidation. Pagtungtong ng unang araw ng Mayo, sisimulan na aniya ng ahensya ang panghuhuli sa mga hindi pampasadang dyip na wala sa talaan ng PUV consolidation.
“We will no longer allow na pumasada ang mga hindi consolidated after April 30 deadline, ire-revoke namin ang franchise ng mga hindi consolidated on May 1 and we will not allow them na makapasok sa kanilang ruta kung hindi nag-consolidate” wika ng LTFRB chief.
Target ng PUV consolidation pag-isahin sa ilalim ng korporasyon o kooperatiba ang lahat ng pampasaherong sasakyan bilang bahagi ng pagsasaayos ng public transportation system sa bansa.
Umalma naman ang mga transport groups kasabay ng giit na bukod sa mawawalang bisa ng kani-kanilang prangkisa, hindi kayang bumili ng bagong modern jeeps na may halagang naglalaro sa pagitan ng P2.5 hanggang P2.8 milyon kada unit.
