Ni LILY REYES
DEAD on the spot ang isang babaeng opisyal ng Land Transportation Office (LTO) matapos tambangan ng isang gunman na lulan ng motorsiklo sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Kinilala ang biktima sa pangalang Mercedita Gutierrez na napag-alamang hepe ng Registration Section sa LTO Central Office.
Batay sa imbestigasyon, nagmamaneho ang biktima nang harangin ng isang rider na mabilis bumaba sabay bunot na baril na agad pinutok sa LTO official.
“Nagulat po kami nakarinig kaagad kami ng dalawang putok. Bumangga po yung Starex sa motor. Hinatak-hatak na po niya yung motor saka tumakas po siya,” wika ng isang saksi.
Kwento pa ng testigo, nagpakilalang pulis ang gunman – “Bigla po siyang huminto sa harap namin dun, sabi niya pulis daw po siya. Nagtago kami kasi nataranta kami, kasi may baril eh.”
Agad naman rumesponde ang Quezon City Police District sa pinangyarihan ng krimen.
Samantala, kinondena ng pamunuan ng LTO ang pamamaslang kay Gutierrez.
“The entire Land Transportation Office (LTO) family condemns in the strongest terms the killing of one of our own, Mercedita Gutierrez, in a gun attack in Quezon City,” pahayag ni LTO chief Atty. Vigor Mendoza.
“This is a cowardly act and we assure her family and the public of our untiring efforts to coordinate with the Philippine National Police and closely monitor the investigation of this incident to bring all perpetrators of this crime behind bars,” dugtong pa ni Mendoza.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng suspek.
