PATAY ang dalawa katao, kabilang ang isang anim na taong gulang na bata matapos maipit sa ikatlong palapag ng naglalagablab na gusali sa kahabaan ng Pedro Gil sa Sta. Ana, Maynila.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), kabilang sa mga nasawi ang 63-anyos na lolong may-ari ng gusali at ang apo na kapwa hindi na nakababa mula sa ikatlong palapag na nasusunog dakong alas 5:00 ng umaga.
“Pagdating ho natin nasusunog na po second hanggang third floor. Yung kalahati po ng third floor ang nasunog,” wika ni FO4 Joel Jacinto na tumatayong Sub-Station Commander ng BFP Sta. Ana Fire Station.
Ayon sa ilang saksi, nakalabas na ang may-ari ng gusali nang mapansin na hindi niya kasama ang apo. Doon na aniya nagpasya ang matanda na balikan ang batang naiwan sa ikatlong palapag ng gusali.
Dakong alas 7:00 ng umaga nang ideklarang fire-out ang sunog.
Sa isang panayam, inamin ng mga bumbero na hindi naging madali ang pag-apula sa sunog dahil sa dami ng mga panindang nakabalagbag sa hagdan ng gusali.
“Yung mga hagdan nila may mga nakalagay…. May mga nakaharang na gamit sa hagdanan. Pati yung mga paninda nila nandoon sa hagdan papunta sa taas. Light materials yung mga paninda nila.”
Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang insidente.
