NAGBABALA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko hinggil sa anila’y mga mapanlinlang na text messages na nagsasabing epektibo na ang no-contact apprehension policy (NCAP) sa National Capital Region..
Panawagan ng MMDA, huwag maniwala sa mga naturang mensaheng target lamang magnakaw ng mga personal information gamit ang URL link na sinasabing kailangan nilang magmulta bunsod ng paglabag sa batas trapiko sa Metro Manila.
Paglilinaw ng ahensya, nanatiling suspendido ang NCAP mula pa taong 2022 bunsod ng Temporary Restraining Order na inilabas ng Korte Suprema.
“The operation of the NCAP has remained suspended since 2022 due to the issuance of a temporary restraining order by the Supreme Court. Because of this, no payments or fines are being collected from those caught violating traffic laws,” saad ng MMDA sa isang anunsyo-publiiko.
Pinaalalahanan din ng MMDA ang mga motorista na maging mapanuri sa mga mensaheng natatanggap sa telepono, kasabay ng giit na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan para hindi mabiktima.
Pwede anilang magberipika gamit ang hotline 136 ng MMDA o makipag-ugnayan sa official Facebook page ng ahensya.
