MATAPOS mabuking ang umano’y “midnight deal” sa pagitan ng dating administrasyon at ng kontratista ng naunsyaming Makati Subway Project, nanindigan ang bagong upong alkalde na hindi maglalabas ang lokal na pamahalaan ng pera para “aregluhin” ang Philippine Infradev Holdings Inc. (PIHI)
Ayon kay Makati City Mayor Nancy Binay, pormal na magsusumite ng mga dokumento sa Singapore International Arbitration Centre sa hangaring ipalusaw ang “settlement agreement” na nilagdaan ng kanyang nakababatang kapatid na si former Makati City Mayor Abby Binay.
Partikular na tinukoy ng bagong alkalde ang P8.96 bilyong kasunduan para “aregluhin” ang PIHI.
Para kay Mayor Nancy Binay, hindi katanggap-tanggap na umareglo ang lungsod sa isang proyektong naudlot.
“Mas malaki pa nga yung areglo kesa sa budget ng lungsod para sa nalalabing anim na buwan ng kasalukuyang taon,” himutok ng kasalukuyang mayor.
Ang halaga aniya ng areglo, sapat na para bigyan ng P5,000 monthly allowance ang 15,000 mag-aaral ng lungsod sa loob ng 10 taon, P10,000 halaga ng preventive medical care ng 45,000 na residente ng Makati hanggang sa 2035.
