MALALIMANG imbestigasyon ang ikinasa ng lokal na pulisya matapos yanigin ng isang malakas na pagsabog ang isang pagawaan ng armas sa lungsod ng Marikina.
Ayon sa ulat ni Col. Mari Geoffrey Fernandez na tumatayong hepe ng Marikina City Police, kasalukuyang inoobserbahan sa Amang Rodriguez Medical Center ang tatlong hindi pinangalanang biktima na umano’y empleyado ng Armscor Global Defense Inc. na may-ari ng sumabog na pasilidad sa Barangay Fortune.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 2:15 ng hapon kanina nang yanigin ng malakas na pagsabog ang “ammunition section” ng naturang pabrika ng armas.
Sa lakas ng pagsabog, isa umano sa tatlong biktima ang naputulan ng kamay, habang isa naman ang nagtamo ng matinding pinsala sa dibdib. Apektado naman sa pagsabog ang mata ng isa pa.
“Ang sabi, ‘yung isa naputulan ng kamay then ‘yung isa may tama sa dibdib. ‘Yung isa sa mata. Puro lalaki,” wika ni Fernandez.

Nang tanungin kung ano ang ginagawa ng mga biktima nang maganap ang pagsabog, sinabi ni Fernandez na isa sa tatlong empleyado ang nagbubukas ng “bullet primer.”
“Initially, ‘yung primer ay sumabog,” aniya.
Paliwanag ng hepe ng lokal na pulisya, ang primer ay isang kemikal na karaniwang ginagamit sa paggawa ng bala ng baril.
Bago pa man ang naturang insidente, Marso ng nakalipas na taon nang masunog ang isang bahagi ng pasilidad ng Armscor.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Marikina Police sa naturang insidente. (EDWIN MORENO)
