HINDi angkop na ipagkait sa mga mamamayan ang serbisyo ng gobyerno dahil lang sa hidwaan sa teritoryo.
Ito ang buod ng Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng korte kaugnay ng mga pasilidad sa 10 enlisted men’s barrio (EMBO) barangays.
Sa kalatas ni Taguig Regional Trial Court Executive Judge Loralie Cruz Dataha, inatasan ang pamahalaang lungsod ng Makati na tanggalin ang lahat ng mga nakahambalang sa entrada ng “government-owned facilities” kabilang ang mga paaralan, ospital, health centers covered court, multi-purpose halls, day care centers, parks, at iba pang matatagpuan sa 10 EMBO barangay.
Ani Judge Dataha, “final and executory” ang desisyon ng Korte Suprema sa GR No. 235315 na nagbigay kumpirmasyon na sakop ng Taguig City ang Barangay Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo (including Rizal), Pitogo, Post Proper Northside, and Post Proper Southside.
Pinipigilan ng TRO ang Makati at sinumang kinatawan o ahente ng nasabing lokalidad ipagkait sa Taguig ang pagpasok at paggamit sa ari-arian at pasilidad na matatagpuan sa EMBO barangay. Binalaan din ang Makati City government laban sa panghihimasok a operasyon ng mga pasilidad na eksklusibong pagmamay-ari na ng lungsod ng Taguig.
Sa kabila ng pinal na desisyon ng Supreme Court noong 2022, hindi pumayag ang Makati na kunin ng Taguig ang lahat ng nabanggit na pasilidad at isinara ng Makati ang ilang health at day care centers, sukdulang pagkaitan ng serbisyong gobyerno ang mga residente
Napatunayan ng Korte na ang Taguig “has sufficiently established extreme urgency for the present application, and that it stands to suffer grave injustice and irreparable injury without the injunctive relief prayer for.”
Malugod namang tinanggap ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang kautusan ng husgado.
“Malaking tagumpay ito para sa mga taga-EMBO. Ngayong nasa Taguig na ang pamamahala ng lahat ng pasilidad na ito, titiyakin nating bukas at ganap na mapapakinabangan ito ng mga taga-EMBO—hindi isasara, hindi haharangan, kundi pagbubuksan para sa serbisyong noon pa man ay dapat nilang napapakinabangan.” (ESTONG REYES)
