HINDI lang sa tuwing halalan may liquor ban. Sa Quezon City, mahigpit na ipatutupad ng lokal na pulisya ang restriksyon sa pagbebenta, pamamahagi, at pag-inom ng alak sa Hulyo 28 mula 12:01 ng madaling-araw hanggang 6:00 ng gabi.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) acting director Col. Randy Glenn Silvio, mahigpit na babantayan ang implementasyon ng liquor ban sa lungsod bilang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Partikular na tinukoy ni Silvio ang Executive Order No. 9, Series of 2025 na nilagdaan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa hangaring tiyakin ang kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng publiko sa araw ng SONA.
Garantiya ng QCPD chief, papatawan ng parusa batay sa umiiral na batas ang mga lalabag sa kautusan ng alkalde, kasabay ng panawagan sa mga residente na agad na itawag sa Emergency Hotline 911 o QC Helpline 122 ang paglabag sa liquor ban. (LILY REYES)
