
SA bisa ng isang commitment order, inatasan ng korte ang National Bureau of Investigation (NBI) na ilipat si former Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr. sa Manila City Jail kasama ang iba pang ordinaryong bilanggo.
Gayunpaman, minabuti ni NBI Director Jaime Santiago na huwag muna ibiyahe ang sinibak na kongresista. Ang dahilan — naghain ng “Motion to Consolidate” ang kampo ni Teves.
“Baka mamaya yung isang court na ‘yun na natanggap namin sa BJMP Manila, ‘yung isa naman sa Bicutan, ‘yung isa naman— so sabi ko sa aming warden, i-hold ninyo muna ‘yan,” wika ni Santiago na nagsilbing hukom sa husgado bago pa man itinalaga sa NBI bilang director.
Mananatili aniya si Teves sa detention facility ng NBI habang nakabinbin ang pinal na desisyon ng mga korte.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ni Teves ang Teves 10 counts of murder, 13 counts of frustrated murder, four counts of attempted murder na isinampa sa Manila RTC Branch 51, kasong murder na magkakahiwalay na inihain sa Manila RTC Branch 12, Manila RTC Branch 15, at Bayawan RTC Branch 63.
Nahaharap din ang dating kongresista sa kasong illegal possession of firearms at illegal possession of explosives sa Manila RTC Branch 12.
May nakabinbin pang asunto si Teves sa Quezon City TRY Branch 77 para sa kasong Terrorist Financing,
“Antayin natin ang final decision ng Manila courts. Courts ha? Marami eh. Para finally ma-determine namin saan namin finally i-turn over si Congressman Teves,” pagtatapos ni Santiago. (ITOH SON)