
NAKASILIP ng bahagyang liwanag ang hanay ng mga operator at drayber ng mga pampasaherong jeep matapos kinatigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posisyon ni Transportation Secretary Vince Dizon sa usapin ng PUV Modernization Program ng gobyerno.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, partikular na tinukuran ng Pangulo ang sinabi ni Dizon — na marami pang dapat na ayusin sa PUV Modernization Program.
Ani Castro, tinalakay ng Pangulo at ni Dizon ang mga problema at ang kakulangan ng kahandaan ng mga driver at operator sa PUV modernization program
Sa naturang pulong, pinakinggan umano ng Pangulo ang mahabang talaan ng mga isyung inilahad si Dizon, gayundin ang rekomendasyon ng Kalihim para sa naturang programa.
“Positibo ang response ng ating Pangulo at ayaw naman niyang pahirapan ang mga operator at drivers kung ipu-push ito tapos parang pilit.” saad ni Castro.
Pero nilinaw ng opisyal na itutuloy pa rin ang PUV Modernization Program.
“Tandaan po natin, tuloy pa rin ang PUV Modernization Program – inihahanda lang natin lahat ang mga stakeholders dito,” dagdag ni Castro.
Kabilang sa mga rekomendasyon ni Dizon ang pagkakaroon maayos ng pangangasiwa sa kooperatiba para sa mga jeepney operator, maghanap ng mas murang suppliers at manufacturers na mga sasakyan at pagsasaayos ng local government units sa ruta ng modern jeeps.