SA pagpapatuloy ng operasyon kontra pasaway sa EDSA, huli sa bus lane sa bahaging sakop ng Mandaluyong City ang isang itim na SUV na may protocol plate para sa mga senador.
Gayunpaman, hindi na nagawa pang matukoy ang pasaherong senador ng black SUV na ayon sa Special Action and Intelligence Committee for Transportation ay mabilis na humarurot palayo matapos i-abot ng drayber ang lisensya.
Bukod sa drayber ng SUV na may plakang 7, napara at naisyuhan ng citation ticket para sa paggamit ng EDSA Bus Lane ang pitong iba pa kabilang ang mga unipormadong miyembro ng Philippine National Police.
Sa isang pahayag, nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na saklaw ng batas trapiko at umiiral na ordinansa ang mga sasakyang may protocol plate.
Ayon kay Jonathan Gesmundo mula sa tanggapan ni Transportation Secretary Jaime Bautista, pananagutin batay sa umiiral na batas ang drayber ng black SUV na pinaniniwalaang may sakay na VIP.
Naglabas na rin aniya ng show-cause order ang Land Transportation Office sa hindi pinangalanang driver kasabay ng pagtitiyak sa papatawan ng maximum penalty ang drayber ng SUV (na may plakang nakalaan lang para sa mga senador).
“Lahat tinanong ko pero hindi nila ma-identify kung sinong senador yung nasa… basta ang pagkakasabi, may sakay. May pasahero ang driver,” wika ni Gesmundo.
