SA hangaring maging bahagi ng solusyon sa lumalalang trapik sa Metro Manila, nagpasya ang Metro Manila Council (MMC) papasukin ng mas maaga ang mga empleyado ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.
Sa resolusyon na pinagtibay ng 17 alkalde, inusad sa alas 7:00 ng umaga ang pasok ng mga local government employees – mas maaga ng isang oras kumpara sa nakagisnang alas 8:00 ng umaga.
Dahil sa maaga ng isang oras ang pasok sa opisina, itinakda naman ang pag-uwi dakong alas 4:00 ng hapon.
The traditional 8 am to 5 pm working hours in government offices align with the standard working hours of private companies, thereby contributing to traffic congestion in Metro Manila,” pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Batay sa resolusyon, arangkada ang bagong Metro Manila local government office hours sa Abril 15.
Nanawagan din ang MMC sa mga national government offices na ikonsidera ang kahalintulad na polisiya bilang kontribusyon sa layuning paluwagin ang daloy ng trapiko sa kabisera.
Batay sa datos ng Civil Service Commission (CSC), nasa 645,000 government employees ang nagtatrabaho sa iba’t ibang sangay at tanggapan ng pamahalaan sa Metro Manila.
Sa naturang bilang, tinatayang 145,000 ang gumagamit ng sariling sasakyan.
“Tayo ay nag-aaral kung paano ma-adjust ang work hours sa pamahalaan…para hindi na po makasabay sa rush hour traffic ang mga empleyado ng gobyerno,” wika ni MMDA chairman Don Artes.
Kamakailan lang, hiniling ng Management Association of the Philippines sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng state of calamity sa Metro Manila bunsod ng patuloy na lumalalang traffic congestion.
Sa pag-aaral na isinagawa ng JICA, lumalabas na P3.5 bilyon kada araw (katumbas ng P1.27 trilyon kada taon) ang nawawala sa ekonomiya dahil sa mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
