Ni LILY REYES
SA gitna ng lingguhang pagtataas sa presyo ng krudo, iginiit ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpasya sa petisyon nagtutulak itaas sa P15 ang minimum fare sa mga pampasaherong dyip.
Ayon kay ALTODAP president Boy Vargas, higit na angkop na tuparin ng LTFRB ang pangakong paglabas ng resolusyon sa lalong madaling panahon.
Tugon naman ng LTFRB, agad na isasalang sa adyenda ng board ang petisyon matapos ang masusing pag-aaral.
“Lahat po ng fare hike, lagi pong pinapaalala ng LTFRB, na pinag-aaralan ito at sinusuri ng board. Makakaasa sila na makakatugon po dito ang LTFRB pero dadaan po ito ng napaka masusing pag-aaral at approval,” wika ni LTFRB Spokesperson Celine Pialago.
“But we will get back po yung mga ating kaibigang tsuper regarding this,” dagdag pa niya.
Sa ngayon, nananatili sa P13 ang singil na minimum fare ng mga tsuper sa mga pasahero.
