
SA halip na pampalubag loob, pasakit ang pamasko ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga konsyumer na nakabase sa Metro Manila at mga karatig probinsya.
Sa isang kalatas, inihayag ng Meralco ang P21 dagdag-singil sa mga karaniwang tahanang 200 kilowatt hours pababa ang buwanang konsumo.
Katwiran ng pinakamalaking distribution company, kailangan mag-adjust sa singil bunsod ng di umano’y manipis na supply ng enerhiya sa bansa.
Anila, nasa P0.1048 per kWh ang kabuuang singil sa kuryente bunsod ng pagsipa ng generation charge ng P0.1839 per kWh. Nagmahal din anila ang singil sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ng P0.2531 per kWh dahil sa mga palyadong planta ng enerhiya – bukod pa sa tapyas sa kapasidad ng Luzon grid.
Tumaas din umano ang singil ng mga power supply agreements (PSAs) ng P0.1050 per kWh dahil sa pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar.