Ni LILY REYES
DEAD on arrival sa pagamutan ang 47-anyos na negosyante makaraang manlaban sa dalawang lalaking nangholdap sa kanyang tindahan sa Quezon City .
Kinilala ang biktima sa pangalang Ruel Bañas Macasinag. Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 11:20 ng umaga nang maganap ang insidente sa tindahan ng biktima sa Barangay Culiat sa Quezon City
Batay sa imbestigasyon ni PSSg Lorenz Mappala, nasa loob ng kanyang sari-sari store ang biktima nang dumating ang dalawang armadong suspek na sakay ng itim na motorsiklo.
Bumaba ang backrider at agad na tinutukan ng baril ang biktima saka nagdeklara ng holdap.
Hindi naman nasindak ang biktima at nanlaban saka tinangkang agawin ang baril ng suspek ngunit aksidente itong nadulas at bumagsak sa semento.
Dahil dito, lumapit ang isa pang suspek upang tulungan ang kanyang kasamahan at paulit-ulit na binaril ang negosyante.
Nang makitang duguan ang biktima ay tumakas ang mga suspek patungo sa hindi malamang destinasyon sakay ng kanilang getaway motorcycle.
Isinugod pa sa East Avenue Medical Center ng anak na si Mary Grace ang ama sakay ng tricycle, subalit idineklara na itong dead on arrival bandang 11:56 ng umaga, dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.
