HINDI malayong pumalo mula P30 hanggang P40 ang minimum fare na sisingilin ng mga makabagong pampasadang sasakyan sa mga pasahero sa Metro Manila, ayon sa isang kongresista.
Sa ginawang pagdinig ng Kamara kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), hayagang kinastigo ni 1Rider Partylist Rep. Bonifacio Bosita ang aniya’y sabwatan sa pagitan ng mga taong gobyerno at mga manufacturers ng tinaguriang modern jeeps.
Paliwanag ni Bosita, hindi maiiwasan ang pagtaas ng pasahe para mabawi ang pinambayad sa pagbili ng modern jeep – kahiit pa bigyan ng subsidiya ng pamahalaan ang mga operator at tsuper.
Sa pagtataya ng kongresista, kailangan kumita ng hindi bababa sa P7,000 kada araw ang operator para makapagbigay ng buwanang hulog sa P2.8 milyong halaga ng kada unit ng modern jeep – bukod pa sa mga gastusin tulad ng krudo at maintenance ng sasakyan.
Hirit pa ni Bosita sa DOTr at LTFRB, ikonsidera ang mga sasakyang gawang Pinoy para sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.
