NI LILY REYES
PINAWI ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pangamba ng isang urban poor group sa di umano’y kawalan ng seguridad ng mga maralitang tagalungsod sa programang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) ng pamahalaan.
Pagtitiyak ni DILG Secretary Benhur Abalos, walang pamilyang palalayasin, lalo pa aniya’t patuloy ang pagbabalangkas ng mga probisyon batay na rin sa pag-aaral ng mga eksperto at pakikipag-ugnayan sa mga napipisil na benepisyaryo.
Sa pagbubukas ng pulong sa hanay ng mga alkaldeng miyembro ng Metro Manila Council (MMC) ngayong taon, nakatakda aniyang tukuyin ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kasama ang lokal na pamahalaan at pribadong sektor ang mga lupang gagamitin bilang ‘staging area’ para maiwasan ang tinawag niyang ‘displacement’ ng mga pamilya habang itinatayo ang proyekto.
Una nang kinumpirma ng pamahalaan ang pagpapatayo ng hindi bababa sa 170,000 housing units sa Metro Manila para sa mga pamilyang nagbabayad ng P5,000 pababa na buwanang renta.
Para kay Abalos, mas angkop ang relocation site na hindi kalayuan – kung hindi man sa mismong lugar kung saan itatayo ang mga housing units.
Inatasan na rin ni Abalos ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na ihanda ang talaan ng mga pamilyang makikinabang sa programang 4PH ng pamahalaan.
Una dito, hinimok ng grupo ng maralitang lungsod na Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang mga opisyal na magsagawa ng konsultasyon sa mga pamilyang informal settler, para sa proyektong pabahay ng gobyerno.
Nanawagan din ang grupo na tanggalin ang mga interes at penalty sa buwanang pagbabayad.
