PARA kay AGRI partylist Rep. Wilbert Lee, hindi katanggap-tanggap ang pagiging segurista ng mga pribadong ospital na nagkukulong di umano ng mga pasyente hangga’t hindi pa kumpleto ang bayad.
Sa isang pahayag, hinikayat ni Lee ang mga kapwa kongresista na imbestigahan ang mga pribadong pagamutan dahil sa aniya’y maling sistema.
Bukod aniya sa pasyente, may pagkakataon dinn pinapaiwan ng mga pribadong ospital ang kaanak ng pasyente bilang kolateral sa balanse.
Sa isang resolusyon, partikular na tinukoy ni Lee ang Allied Care Experts (ACE) Medical Center sa Valenzuela City kaugnay ng tinawag na “palit-ulo modus” kung saan isang Richel Mae Alvaro ang piniit ng pamunuan ng ospital matapos mabigong bayaran ang P518,519 hospital bill ng pumanaw na mister.
Bukod sa pagpiit sa ginang, tumanggi din umano maglabas ang ACE Medical Center ng death certificate ng namatay na pasyente.
Sa House Resolution 1674 na akda ni Lee, iginiit ng kongresista baggamat may karapatan maningil ang mga klinika at pagamutan, dapat aniyang bigyan proteksyon ng pamahalaan ang mga pasyente laban sa mga ganid ng ospital.
Batay sa impormasyon nakalap ng tanggapan ni Lee, lumalabas ginawa umanong bihag ng ACE Medical Center ang maybahay ng pumanaw na pasyente.
“Pinupuntahan ang mga hospital para ipagamot, hindi para ikulong, ang mga pasyente at mga kaanak nila,” ani Lee.
“Demonyo ang gumagawa ng krimeng ito… sila na dumadagdag pa sa pasanin at pagdurusa ng mga pasyente at kanilang pamilya,” aniya pa.
“Eh kung sila kaya ang ikulong habang nangangamba sa kalusugan ng kaanak o habang nagluluksa sa pagkamatay ng kapamilya? Pagamutan, hindi piitan. Pakikipagkapwa-tao, hindi negosyo.Malasakit at hindi pasakit sana ang pairalin ng ating mga ospital.”
Ayon kay Lee, malinaw na heinous crime ang palit-ulo scheme ng ACE Medical Center.
