Ni ESTONG REYES
SA gitna ng napipintong krisis sa tubig sa Metro Manila, nanawagan ang isang senador sa pamahalaan na maghanap ng mapagkukunan ng supply tubig bilang agarang tugon habang hinihintay ang pagsapit ng tag-ulan.
Kabilang sa nakikitang solusyon ni Senador Sherwin Gatchalian ang Laguna de Bay kung saan aniya pwedeng kunan ng tubig para tiyakin ang supply sa Metro Manila at mga karatig probinsya.
“Dahil sa mga inaasahang pandaigdigang kakulangan ng suplay sa hinaharap, ang gobyerno ay kailangan bumuo ng isang komprehensibong programa na sapat na tutugon sa kakulangang ito,” wika ni Gatchalian, matapos ang paghahain ng Senate Resolution 691.
Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, partikular na hinihikayat ang pamahalaan na paghandaan ang epekto ng El Niño phenomenon sa agrikultura, water supply, kuryente at iba pa.
Batay sa datos ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System, 90% ng water demand ng Metro Manila ay galing sa Angat Dam sa lalawigan ng Bulacan, habang ang nalalabing bahagi ng demand ay sinusuplay ng Laguna de Bay sa bisa ng kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at dalawang private concessionaires — ang Maynilad at Manila Water.
