
BAYAD man o hindi ang buwis at taripa, nararapat lang na samsamin ng Bureau of Customs (BOC) ang mga kargamento ng bigas lampas na sa 30 araw ang pananatili sa pasilidad ng gobyerno.
Ayon kay Philippine Ports Authority (PPA) General manager Jay Santiago, malinaw ang probisyon sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kung saan nakasaad na papasok sa kategorya ng abandonado ang anumang kargamentong hindi pa lumalabas sa pier matapos ang 30 araw.
Sa isang direktiba, inatasan ni Santiago ang BOC na agad kumpiskahin ang tone-toneladang imported rice na di umano’y sadyang itinetengga ng mga consignee sa hangaring lumikha ng artificial shortage sa merkado.
Sa sandali aniyang maramdaman ng mga tao ang kapos na supply ng bigas sa mga pamilihan, saka pa lang ilalabas ang mga kargamentong ibebenta naman sa mataas na presyo.
Batay sa nakalap na impormasyon ng PPA, karamihan aniya sa mga nakatenggang bigas ay lampas na sa 200 araw sa Port of Manila – dahilan para magsikip ang pasilidad.