WALANG lugar sa Quezon City ang panunupil sa karapatan ng mga mamamayan. Ito ang mapangahas na pahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte matapos pumutok ang balita hinggil sa di umano’y marahas na pagbuwag sa hanay ng mga estudyanteng raliyista sa tapat ng Batasang Pambansa.
“I will not countenance any suppression of fundamental rights in Quezon City.,” wika ng alkalde bilang tugon sa idinulog ng League of Filipino Students (LFS) sa anila’y karahasang isinukli ng Quezon City Police District (QCPD) habang nagsasagawa anila sila ng isang mapayapang protesta sa harap ng Kamara de Representantes.
Sa video na kuha ng The Catalyst, opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), isinalya ng mga pulis ang mga mag-aaral na nagpoprotesta laban sa pagsasapribado ng pamantasan.
“Walang anumang karahasan at panunupil ng kapulisan ang makakapigil sa militansya ng mga Iskolar ng Bayan para ipaglaban ang karapatan sa edukasyon, dagdag pondo sa pamantasan, at mariing pagtutol sa pribatisasyon!,” pahayag ng LFS sa kanilang Facebook page.
Ayon sa mga estudyanteng aktibista, hangad lang nila lumahok sa pagdinig kaugnay ng panukalang National Polytechnic University na magbibigay-daan sa pagbubuklod ng PUP at iba pang pamantasan at kolehiyong pinangangasiwaan ng pamahalaan.
