
NAUWI sa wala ang inaprubahang P50 kada araw na umento sa sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila matapos ihayag ng Meralco ang pagpapataw ng dagdag-singil sa konsumo ng kuryente.
Sa isang kalatas, iginiit ng Meralco na kinailangan magpataw ng dagdag-singil ang kumpanya dahil sa tatlong dahilan — pagsipa ng generation charge, pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado at mababang palitan ng piso.
Base sa pagtataya ng kumpanya, tataas ng P0.4883 ang singil kada kilowatt-hour (kWh) para sa kasalukuyang buwan. Sa kabuuan, lumalabas na papalo na sa P12.6435 per kWh mula sa dating P12.1552.
Buwan ng Hunyo nang magtakda rin ng dagdag-singil sa kuryente ang Meralco.
“World fuel prices went up in the June supply month in reaction to the Israel-Iran conflict. The impact of higher fuel costs was aggravated by the peso’s depreciation to its weakest level since March 2025 — affecting around 58% and 99% of PSA and IPP costs, respectively, that were dollar-denominated,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng utility distribution firm.