SA halip na magbilang ng limpak-limpak na pera, himas selda ang limang indibidwal matapos dakpin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Negros Occidental.
Sa ulat ni CIDG director Police Brig. Gen Romeo Macapaz, nasa P4.7 milyon ang kabuuang halaga ng mga smuggled na sigarilyong nasamsam ng mga operatiba sa Himamaylan City.
Paglilinaw ni Macapaz, isinagawa ang operasyon alinsunod sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre lll na paigtingin ang kampanya kontra smuggling at iba pang aktibidad na lubhang nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa.
Sa impormasyong ibinahagi ng CIDG, dakong alas 2:50 ng madaling araw nang nasakote ang mga suspek na sakay ng isang closed van sa Purok Osmeña, Barangay kung saan tumambad ang nasa 70 kahon ng iba’t-ibang klase ng sigarilyo.
Samantala, arestado rin sa hiwalay na operasyon sa Taleon Beach Resort sa Barangay Talaban ang dalawa pang suspek habang nasa pag-iingat ng 116 kahon ng smuggled na sigarilyo.
Nakatakda naman sampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek. (EDWIN MORENO)
