
Ni LILY REYES
DAHIL sa kawalan di umano ng matinong husgadong makikinig sa dulog ng mga operator at drayber ng mga pampasadang dyip, nagbabala ang grupong Manibela ng panibagong welga bago pa man sumapit ang ultimatum na itinakda ng pamahalaan ngayong Abril 30.
Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, mas malawak na tigil-pasada ang pinaghahandaan ng grupo bilang bahagi ng kanilang pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Katunayan aniya, nagpupulong na ang iba’t ibang transport groups para sa malawakang kilos protestang magsisimula sa Abril 15 at tatagal hanggang Abril 30 ng kasalukuyang taon.
“Palagay po namin mas malaki ito, mas malawak, mas marami po talaga ang sasama. Mas marami po ang nagising na ang kamalayan sa bulok na program ng PUVMP,” wika ni Valbuena, kasabay ng pahayag ng pagkadismaya sa mga hukuman na aniya’y tila walang planong pakinggan ang daing ng daang-libong tsuper na mawawalan ng hanapbuhay.
“Lahat ng korte yata dito sa atin, hindi tayo pinakinggan, siguro talagang kailangan naming bumalik sa kalsada para mapakinggan ulit tayo ng ating Pangulo,” dagdag pa niya.