MARIING itinanggi ng mga tagapamuno ng ‘Casino Junket Group” na ‘Team Z” ang paratang na panlilinlang sa kanilang mga investors at account managers.
Maging ang alegasyong pagtangay ng bilyong-halaga ng pamuhunan, pinabulaanan ng naturang grupo.
Paglalarawan ng pamunuan ng ‘Team Z’ na kinabibilangan nina Hector Aldwin Liao Pantollana, kapatid nitong Hubert Amiel, magkapatid na Hazen at Hein Carreon Humilde, Mikaela Damasco Ty-Choi at Virginio Casupanan, fake news at hindi makatarungan ang ‘scam’ na idinulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation Cordillera noong nakaraang linggo..
Binigyan-diin ng ‘Team Z leaders’ na hangad nilang lumabas ang katotohanan sa likod ng mga ‘fraud complaints” na naisampa laban sa kanila at nilinaw na hindi kailanman ginamit sa personal o ibinulsa ang inilagak na investments ng ilan sa mga complainants.
Interesado din umano sila malaman kung saan umano napunta, sa pamamgitan ng ‘paper trail’ ang di umano’y nakulimbat na pera, kabilang na kung sino ang kumuha at tumanggap at kung sino rin ang nagbenepisyo mula sa mga naturang transaksyon.
Inilahad pa ng mga ito na hindi makatarungan at walang basehan ang paratang ng ilan sa mga ‘complainants’ na gumawa ng alegasyon na ang kanilang operasyon ay isang iskemang manloko lamang ng ilang indibiduwal.
Sa interes anila ng “due process,” layon nilang matunghayan ang mga dokumento kaugnay sa mga reklamo kaalinsabay ng paninigurong haharapin nila ang lahat ng mga isyu at paratang sa wastong ‘forum.’