
LUBHANG naalarma ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nangyaring sunod-sunod na insidente na kinasangkutan ng mga pulis.
Partikular na tinukoy ni DILG Secretary Benhur Abalos ang pagpatay sa isang 17-anyos na binatilyo sa Navotas City ng dahil umano sa mistaken identity, pag-ransack ng mga pulis sa pinasok na bahay ng senior citizen na isinasangkot sa iligal na droga sa Imus, at pagkakasangkot ng limang pulis sa Maynila sa robbery-extortion noong Hulyo 12.
Ayon kay Abalos, ipa-rerebyu na niya ang standard operating procedures (SOP) ng mga pulis para malaman ang mga dapat baguhin.
Paliwanag ng Kalihim, pag-uusapan nila ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang mga naturang insidente sa hangaring matukoy ang mga susunod na hakbang.
Samantala, tiniyak naman ni Abalos na papanagutin ng pamahalaan ang mga tiwaling pulis na ngayon ay nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo.