
ARESTADO sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang babaeng nasa likod ng pangingikil sa mga negosyanteng nagpapasok ng kargamento sa pasilidad sa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Customs (BOC).
Sa isang pulong-balitaan, ipinrinsinta ni NBI Director Jaime Santiago ang magkapatid na suspek na kinilala sa pangalang Wyeth at Leila Navales na dinakip ng NBI – Organized and Transnational Crime Division sa isang coffee shop sa Ermita, Maynila
Nag-ugat ang operasyon sa bisa ng reklamo ng hindi pinangalanang negosyanteng umano’y nahuthutnan ng malaking halaga kapalit ang pag rerelease ng “naipit na kargamento.”
Sa salaysay ng biktima, nag-alok umano ng tulong si Wyeth na nagpakilalang lisensyadong Customs broker.
Anang biktima, unang humingi ng P500,000 ang mga suspek para ayusin ang di umano’y “misdeclaration” ng kargamento. Pagkatapos ibigay ang halagang napagkasunduan, muling humirit ang mga suspek ng karagdagang P1.9 milyon na umano’y gagamiting suhol sa mga BOC officials.
Dito na nagduda ang negosyanteng agad na nagtungo sa NBI para maghain ng reklamo.
Sa kinasang entrapment operation, huli sa akto ang mga suspek sa aktong pagtanggap ng pera mula sa biktima. (ITOH SON)