SA gitna ng kabi-kabilang krimen, isang babala ang ipinahayag ng bagong talagang hepe ng pambansang pulisya bilang paunang hakbang sa layuning maging ligtas ang paglalakad kahit dis-oras ng gabi.
Pangako ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III, uubusin ng kapulisan ang mga kriminal sa lansangan.
Katunayan aniya, sinimulan na ng PNP ang implementasyon ng tinawag niyang “round-the-clock police visibility.”
Maging ang mga kapwa pulis, binalaan ni Torre laban sa pagliban, pinaikling oras ng trabaho, at pagtambay o pagtulog habang naka-duty.
Samantala, tiniyak ng bagong hepe ng pambansang pulisya na tuluy-tuloy ang pagbili ng karagdagang kagamitan kabilang ang drones, body cameras, CCTV, at iba pang mga makabagong teknolohiyang makakatulong sa pagpuksa sa kriminalidad.
Paalala ni Torre sa mga kabaro, tungkulin ng mga pulis panatilihin ang kaligtasan ng mga komunidad nang hindi na kailangan pang lumabag sa karapatang pantao ng mga Pilipino.
Umapela rin si Torre sa publiko na makiisa sa PNP para sa mabilis na responde at pagbabago sa organisasyon.
“Tulungan nyo kaming tulungan kayo, huwag bibitaw at maging aktibo para sa Bagong Pilipinas.” (EDWIN MORENO)
