BUMULAGA ang isang umano’y prostitution den sa sinalakay na illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) establishment sa Paranaque City ngayong Miyerkules.
Sinabi ng Southern Police District and Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ang POGO hub ay nago-operate kahit walang lisensiya. “While doing the inspection, nakita nga namin iyong prostitution den (we saw the prostitution den),” sabi ni PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz.
“Kung mapapansin niyo, mayroon mga babae na nandoon and they have rooms na ginagamit nila sa prostitution,” sabi pa nito.
Sinabi ng mga babaeng nadatnan doon na nagmamasahe lamang umano sila sa kanilang kliyente.
Sa parking lot sa ikapitong palapag ng gusali ay naroroon ang private rooms at spa rooms bukod pa sa computer and gaming room.
Legal umano ang operasyon sa ibang silid ngunit walang maipakitang papeles ang mga empleyado na karamihan ay Chinese.
Inamin ng mga empleyado na kinukumpiska ng kanilang amo ang kanilang pasaporte.
Sa kabuuang 2,000 empleyado, 900 lamang ang idinedeklara ng may-ari ng POGO hub sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Arestado naman ang dalawang Chinese nationals na nagpapatakbo ng POGO.
Sa statement ng SPD, sinabi na 16 empleyado ay biktima ng human trafficking at nailigtas sa operasyon.
Posible umanong maisara ang POGO hub dahil sa illegal na gawain tulad sa paglabag sa human trafficking, labor, at immigration laws.
Nakatakda namang puntahan ng Bureau of Immigration ang lugar para sa profiling sa mga empleyado ng POGO. “We are committed to eradicating human trafficking and ensuring the safety and well-being of our community,” sabi ni SPD chief Police Brigadier General Mark Pespes.