Ni Lily Reyes
HINDI bababa sa P3.4 milyon ang katumbas ng cocaine na napulot ng isang residente matapos di umano’y anurin sa baybaying bahagi ng bayan ng Narra sa lalawigan ng Palawan.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan Provincial Office, hindi sinasadyang napulot ng hindi pinangalanang residente sa Barangay Calategas ang isang waterproof fabric bag sa dalampasigan ng Purok Pagkakaisa.
Nang buksan ang bag, tumambad di umano ang wari niya’y pulbos na agad naman niyang ipinasuri sa PDEA. Ang resulta – positibong cocaine na tumimbang ng mahigit sa 1,000 gramo, o katumbas ng hindi bababa sa P3.4 milyon.
Ayon sa PDEA-Palawan, ang naturang kontrabando ang kauna-unahang pagkakataon na mayroong narekober na mataas na kalidad ng illegal na droga sa kanilang lalawigan.
Naglunsad na rin ng mas malalim ng imbestigasyon ang PDEA sa paniwalang bahagi lamang ng mas malaking ilegal na kargamentong sadyang pinapaanod ng isang sindikato ang drogang isinuko ng residente.