ALINSUNOD sa mandatong kalakip ng batas na lumikha ng Philippine National Police (PNP), mas paigtingin pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang presensya ng pulisya hanggang sa kasulok-sulukan ng ng mga lungsod na sakop ng Metro Manila.
Bilang pambungad, target ni NCRPO chief Major Gen. Edgar Alan Okubo itulak ang programang Revitalized Pulis Sa Barangay (RPSB) sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Okubo, bukod sa layuning siguruhin ang kaayusan at kapayapaan, puntirya rin ng naturang programa na iwaksi ang takot ng publiko sa mga pulis sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga unipormadong miyembro ng PNP sa mga komunidad ng Metro Manila.
“Ilapit sa publiko ang mga pulis kailangan ding isagawa ang proyekto sa Maynila upang mas mailapit ang kapulisan sa publiko at matanggal ang takot,” pahayag ni Oubo sa ginanap na pulong-balitaan sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan.
Kabilang naman sa mga direktibang bitbit ng mga itatagang pulis sa barangay ang pagsabak sa iba’t ibang antas ng serbisyong barangay – assistance sa mga nais makakuha ng birth certificate, ayuda, trabaho at iba pa.
Ayon kay Okubo ang pulis ang makikipag ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan at local government units upang agad na maisakatuparan.
“Ang RPSB ay isang anim na buwang immersion program. Kailangan maunawaan ang mga tungkulin ng ating mga katuwang na pambansang ahensya upang matugunan ang mga isyu at alalahanin ng komunidad para gawin ang mga serbisyo sa komunidad o pamahalaan na iniiwan ang karaniwang mga tungkulin sa kapayapaan at pagpapatupad ng batas. Kami ay lalabas sa aming nakakulong na kahon upang maglingkod nang buong puso,” ani Okubo.
Paalala pa ni Okubo sa kanyang mga pulis, isapuso ang pagseserbisyo at iwasan ang mga iligal na gawain.