
LIMANG taong bakasyon sa piitan ang hatol ng husgado sa isang overseas Filipino Worker (OFW) na naglabas ng hinanakit sa social media laban kay Ormoc City Mayor Richard Gomez.
Sa 21-pahinang desisyon ni Judge Maria Corazon Naraja ng Regional Trial Court (RTC) Branch 47, hinatulan ng husgado si Julius Tajanlangit para sa kasong cyber libel.
Bukod sa limang taong hatol sa bilangguan, pinagmulta rin ng hukuman si Tajanlangit ng P300,000 bilang danyos perwisyo at 6% interes kada taon hanggang sa mabayaran ang naturang halaga sa nagreklamong si Gomez.
Nag-ugat ang kaso matapos ipaskil ni Tajanlangit sa Facebook ang di umano’y hindi pagtalima ng noo’y kongresistang si Gomez sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG) na sunduin ang mga balik-Pinas na OFW pagdating sa paliparan sa kasagsagan ng pandemya.
Ayon kay Tajanlangit, wala man lang itinalagang sasakyan si Gomez sa mga OFWs na dumating noong Mayo 25,2020 sa Daniel Z. Romualdez Airport sa lungsod ng Tacloban.
Katwiran ng OFW, nais lamang niyang makuha ang atensyon ni Gomez.
Gayunpaman, sa kalagitnaan ng pagdinig inamin naman ni Tajanlangit na nasundo naman siya kasama ang iba pang mga OFWs noong sumunod na araw matapos makipag-ugnayan ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa lokal na pamahalaan na noo’y pinamumunuan ng Lucy Torres na ngayon ay isa ng kongresista.
“The court finds that the accused was motivated by actual malice in posting the defamatory statements (which) were no longer relevant to his supposed purpose of seeking the help of LGU Ormoc,” saad sa isang bahagi ng pasya ng husgado.
“The number and frequency of those statements indicate that the accused was not just letting off steam but consciously attacking the private complainant…and diminish the dignity of the private complainant and erode the respect for his authority as mayor of Ormoc City,” dagdag pa ng korte.
Bago pa man kinasuhan si Tajanlangit, sinampahan na rin ng P10-million libel suit ni Gomez ang peryodistang si Paul Farol.